Monday, March 4, 2013

Ang Pag-akyat sa Mt. Romelo

Umaga ng Biyernes, ika 23 ng Febrero taong 2013, maulan at madilim ang paligid. Lahat ay nangangamba kung matutuloy ba o kung dapat pa bang ituloy ang naturang planong pag punta sa Mt. Romelo. Lahat ay galak at masaya sa aming pagpunta, ngunit may halong pangamba dahil maulan. Patuloy naming inobserbahan ang panahon kung ito ay bumubuti. Mga bandang hapon bumuti ang panahon, subalit may mga paulan ulan at pag-ambon. Gayunpaman ay napag pasiyahan naming ituloy ang aming plano kinabukasan. Ang araw na ito ay lubhang naging mahigsi para sa lahat. Nang kinagabihan, pagkatapos sa opisina kami ay nagsalu-salo sa hapunan sa tinutuluyan ng isa sa aming ka opisina. Isang masarap na hapunan -- sinigang na baboy. Doon din namin dinaos ang aming “Bible Study.” Pagkatapos noon ay umuwi na kami samantalang ang iba ay doon nakituloy. 

Kinabukasan kami ay nagkita kita sa terminal ng Raymond Transit sa may Legarda, ang aming tagpuan bandang alas tres ng umaga. May maaga at may nahuli bagamat nakahabol parin sa biyaheng alas kwatro. Alas kwatro ng umaga kami ay lulan nang Raymond Transit patungo sa aming destinasyon mula Maynila patungong Laguna. Masigsag ang aming nadaanang mga kalsada, mapuno at magubat na pook ang matatanaw mula sa labas ng bintana. Madilim at walang trapik sa mga lansangan. Maingay sa bus, may ilang nag-aasaran, nagbibiruan, at marami ang natutulog. Mabilis ang naging biyahe naming. Noong mga bandang alasais ng umaga, nagbubuknag liwayway palang sa kalangitan, huminto kami sa isang bus stop para makapag almusal pati na ang nagmamaneho at ang kanyang kunduktor. Kami naman ay saglit na bumaba at nag CR. Sa may kalsada, nakita at narinig namin ang nagtitinda ng taho kung kaya’t kami ay nag sibili at kumain nito, maging ang ibang mga pasahero na kasama namin. Kumuha kami ng litrato at maya maya pa sumakay na kami ng bus at kami ay umalis na. 




Makalipas ang mga kalahating oras bumaba na kami ng bus, nakarating na kami sa may Famy, Laguna. Kumain kami sa Gotohan habang inaantay namin ang aming kasamahang magkasintahan na namalengke upang mayroon kaming baunin sa bundok. Makalipas ang kalahating oras, nakabalik na sila at nag simula ng mag ayos ng gamit ang ilan, habang ang iba ay kumakian pa. Pagkatapos nilang kumain ay sumakay kami ng tricycle papunta na sa Barangay Macatad. Kung saan ang daanan patungo sa kabundukan. Nag simula kaming lumakad papasok, para magparehistro at pagkatapos ay nagsimula na ang aming paglalakbay. 

Kami ay tatlong oras na naglakad sa maputik, matarik, madamo, magubat, may makikitid at madudulas na mga daanan.









Mayroon ding mga insektong nangangagat isa na dito ang limatik. May mga nadulas at sumalampak sa iba’t ibang daanan.Naputikan kami sa mga binti, tuhod at maging ang mga damit. Madaming magagandang tanawin ang matatanaw mula sa taas ng bundok na pumapawi ng aming kapaguran. 




Natanggal ang aming kapaguran noong kami ay nakarating na sa aming destinasyon sa may Buruwisan (batisan). 

 Nagluto at nag tayo kami ng mga tolda. Sabay sabay kaming nagsikain sa aming masarap na tanghalian, “Adobong Baboy.” At pagkatapos ay nagbabad ang ilan sa batisan at ang iba ay nag-ayos ng mga kanya kayang mga kagamitan. Lumipas ang oras at naghapunan kami ng itlog na maalat na may kamatis at piniritong galunggong. Nabusog ang lahat. Kapansin pansin na madaming alitaptap ang nag lipana sa kapaligiran sapagktat madilim. Nagpahinga ang lahat subalit di naging madali ang pagpapahinga dahil sa pangambang baka umapaw ang batis sapagkat ulan ng ulan. May ilan sa amin na pinasok ng tubig ang tolda kung kaya’t sila ay lumipat pa ng lugar. Ang iba naman ay di makatulog dahil sa ingay at pangamba. Nang malalim na ang gabi may bumagsak na buko sa aming tolda. Nagulat kami at napaisip kung anu yung kumaluskos na yun. Nang mga bandang kalahatian ng gabi may isang bandang tumutugtog at kumakanta ng mga kilalang mga tugtugin. Masaya at masarap sa tenga ngunit nakakabulahaw sa ilan. 




Kinabukasan, nag-almusal kami ng “pansit canton.” At pagkatapos ng agahan ay nag tungo kami sa “Buruwisan Falls”, ito ay ang pinakamataas na talon dito. Nahirapan kami sa pagpunta dito subalit sulit naman ang aming pag punta dito. Pababa ang daanan dito at mataas ang babagsakan kapag nalaglag. Nang kami ay makarating nagpunta kami malapit sa binabagsakan ng tubig. Malakas ang daungdong ng hangin at tubig doon. Parang isang bagyo ang naramdaman namin. Inikot namin ang paikot nito. Ang sarap ng pakiramdam, nakakatanggal ng pagkabalisa, problema at intindihin. Pagkatapos ay naligo kami dito. 



















At makaraan ay umakyat na uli kami pabalik sa kampo namin. Sunud naming pinuntahan ay ang “Batya-batya Falls.” Ito ay mas maliit na talon, maganda at malinis din ang tubig. Mas malayo ito sa kampo namin kumpara sa naunang talon na aming pinuntahan. Dito ay walang akyatin, binaybay namin ang mga daanang matubig at mabato. Langoy at lakad ang aming ginawa dito. Pagtutulungan ay mamamasid sa amin upang marating ito. May ilang nadulas at napayakap sa bato at meron din natangay ng agos. May malalalim, mabababaw at mababatong madaraanan patungo dito. Umakyat kami sa malapit sa bunganga nito dahil di naman sya ganun kataas. At tumalon pababa sa tubig sabay langoy. Napaglabanan namin ang aming takot. Naging masaya ang lahat sa aming nasaksikhan. Dito sa talon na ito ay may mga talangka. Nanghuli kami ng ilang talangka dito. Pagkatapos ay bumalik na kami sa aming lugar. 















Pagbalik namin sa kampo ay tanghalian na. Kinain namin ang ginisang sardinas na maanghang at prinitong talong. Pagkatapos ay namahinga at naglinis ng mga kagamitan at nagligpit ng aming kanya- kanyang mga gamit. Biglang umulan ng malakas, umaraw, at paulan ulan. Ang mga natirang pagkain namin ay napag desiyunan na ibigay nalang sa Aleng matanda na masungit at mabunganga na nagpahiram ng kalan sa amin upang kami ay makaluto. Nagrenta ang kasamhan namin ng kabayo para sa mga gamit, lahat ng mga gamit na kakasya ay isinakay upang hindi masyadong maging mahirap pagbaba ng bundok. Pagkalipas ng ilang mga minuto, mga bandang alas tres na ng hapon nag simula na kaming maglakad para makabalik at makababa na ng bundok. 



Sa aming pagbaba ng bundok, nasabak kaming muli sa mas maputik, madulas, maulan at makikitid na mga daanan. Mas naging mahirap ang pababa kumpara sa paakyat sapagkat maulan. Mas madudulas, lunak, at mas delikadong daanan. Sa aming pagbaba nasabak kaming muli sa putikan at mga insekto. May mga nadulas, nasalampak at muntik muntikang madulas. Nasubukan na mag-uli ang aming tapang, pasensya, tyaga, pag-iingat at pagtutulungan. Inabot kami ng dilim sa daan. Pagod, hirap, uhaw at gutom na ang bawat isa. Nakakatuwa dahil ang isa naming kasamahan ay napagkamalang si Maya, artista sa seryeng “Be careful with my heart”. Tinulungan kami ng mama upang makababa ng bundok, inalalayan ang ilan lalo na ang kababaihan. Inabot uli kami ng tatlong oras sa paglalakad. Mas konting tigil ang ginawa namin para makababa agad ng bundok. Di kagaya ng paakyat na pahinto hinto sa bawat istasyon. At ng makababa na kami, nag hugas at naglinis kami ng aming mga sarili. Hapung-hapo ang lahat at pagod ang aming mga katawan. Masaya ang bawat isa dahil nalampasan namin ang mga bagay na ito. 



Pagdating namin sa kanto ay sumakay na kami ng tricycle at nagtungo malapit sa may sakayan, sa may Gotohan. Nagsikain kami bago bumiyahe. Nakipagtrato sa isang fx at doon kami sumakay. Sa kasamaang palad ang aming nasakyan ay walang aircon. Bagamat walang aircon, nagpasya kami na doon nalang sumakay dahil gabi naman. Nakabukas ang ilang bintana upang pumasok ang hangin. Masarap sa tenga ang pakiramdam ng musika ni Manong. Kami ay napapasabay sa mga tugtugin. Mabilis lumipas ang oras. Mga bandang alas dyis ng gabi dumating kami sa may Edsa (Maynila). May bumaba sa may Robinsons Galleria at ang iba ay sa Starmall. Naghiwahiwalay na kami dito patungo sa aming iba’t ibang destinasyon pauwi ng aming kanya kanyang bahay. 

Ang karanasang ito sa Mt. Romelo ay isang napakagandang pangyayari sa aming lahat. Kami ay nahirapan, nasubukan ang katapangan at lakas ng loob, pasensya, pakikisama, at pakikipagtulungan sa bawat isa. Sa madaling sabi, kami ay hindi lamang naging magkakaibigan kundi naging isang pamilya. Sa kabila ng mga pagsubok, kami ay nasiyahan ng husto at masasabi namin na kami ay “survivors” dahil nalampasan at natapos naming akyatin at babain ang kabundukang ito, at napuntahan at narating ang nagtatago at nag gagandahang mga mga talon na dito lamang matatagpuan. Kami ay napapangiti sa tuwing aming titingnan at pagmamasdan ang mga larawan. Mga alalala ng masalimuot at masayang pakikibaka dito sa Mt. Romulo. Ang mga gasgas at sugat na naiwan sa aming mga katawan ay tanda lamang nang aming katapangan, kasiyahan, at pakikibaka. Mga sugat na tumanim at tumatak maging sa aming mga puso at isipan na nag papaalala ng aming pagpunta dito.











No comments:

Post a Comment